Thursday, April 25, 2013

Ang Ama at Anak


Meron isang mayaman na matanda na mahilig mangolekta ng mga mamahalin gawa ng mga sikat pintor, tulad ng Picasso, Van Gogh, Monet at Da Vinci. Kasama ng kanyang kaisaisahang anak ay sinusuyod nila ang sulok ng mundo upang makakuha ng mga magagandang obra.
Dumating ang digmaan at ang bansa ng matanda ay  nangailangan ng dagdag na sundalo, napasama ang kanyang anak sa isang hukbo. Lumipas ang mga buwan nabalitaan ng kanyang matanda na nawawala ang kanyang anak. Hanggang sa matangap niya ang telegrama na kumukumpirma na nasawi ang kanyang anak sa paliligtas ng isang kasama. Dinibdib ito ng matanda, nalungkot at halos nawalan na ng pagasa sa kanyang sarili.
Lumipas ang mga araw dumating ang Pasko,  tila buhay na patay ang matanda nagluluksa parin sa pagkawala ng kanyang anak, may di inaasahang bisita ang matanda.  Isang sundalo nagpakilalang  na matalik na kaibigan ng kanyan anak at  isa sa nailigtas ng kanyang anak.
Kinuwento ng sundalo kung paano ito nasagip ng kanyang anak, laking supresa ng matanda ng malaman hindi lang siya ang nailigtas nito , maraming sundalo rin ang humanga sa kagitingan ng kanyang anak.
Napasaya nito ang matanda, ang hagugol ay napalitan ng masasayang mga tawanan dahil naikuwento ng sundalo kung paano nabuhay ang kanyang anak at lahat ng maliligayang araw nito sa kasama ang hukbo.
Nang paalis na ang sundalo nagiwan ito ng isang obra, mahilig palang magpinta ito, at ang iginuhit niya ang kaiisaisahang anak ng matanda. Napaluha sa kasiyahan ang matanda ito ang pinakamagandang regalo na natanggap niya sa Paskong ito.
Lumipas ang ilang  buwan nasawi ang matanda at naiwan ang buntol-buntol na kayamanan, ang huling ng matanda ay ipasubasta ang mga sikat at  mamahaling mga obra.  
Sa subastahan ang unang isinalang ang larawan ng anak ng matanda, sinimulan ito sa $100 na halaga,ngunit walang may gusto ng obrang ito, mas inaabangan nila ang ibang obra, ang mga sikat na gawa ng mga kilalang pintor.
Umalma ang mga tao doon dahil sa wala naman may gustong bumili ng larawan ng anak ng matanda, ang pakay nila ang mga sikat na obra. Meron ng nagaalburuto at meron rin sumisigaw na itapon na lang larawan.
Hindi naman natinag ang mga tagapamahala at sa dahil ito ay isa sa huling kahilingan ng matanda nagpatuloy ang subasta.
Hanggang sa tumayo ang isang lalaki at nagalok ng $10, nagpakilala itong matalik na kaibigan ng matanda at nagtanong kung pede ganon kaliit na halaga ang ibayad, paliwang ng ito lang ang pera niyang dala.
Tinanggap ito ng mga tagapamahala at binigay ito sa lalaki, pagkatapos maibigay ay tinapos na ang subastahan.
Laking gulat ng mga tao na natapos agad ang subastahan kahit marami obra ang hindi nailalabas. Nagalit ang mga taong dumalo, pinahinto naman ito ng tagapamahala ang sinabi niya na ito ang huling habilin ng matanda. Kung sino man ang kumuha ng Anak ay ang makakamit ng lahat ng kayaman niya.
Gintong aral: Ang kuwento nito ay sumasalamin kung gaano kamahal ng isang Magulang ang kanyang anak.  Ang pagmamahal ng Ama sa Anak. Ang Anak ibinagay ang buhay para sa iba. Ang Pagmamahal ng Ama na kung sino man ang tumanggap sa Anak ay makukuha ang lahat. #30

Thursday, March 14, 2013

Ang Matandang Karpintero



The House Carpenter by Clarence "Tom" Ashley  

Noong unang panahon, may isang matandang karpintero ang nais ng magretiro sa kanyang trabaho. Ipinarating niya sa kanyang mabait na amo na balak na niyang tumigil sa paggawa ng mga bahay, at nais mamuhay ng tahimik na kasama ang kanyang pamilya.

Labis na nanghinayang ang kanyang amo at nalungkot dahil ang matandang karpintrro ang pinakamagaling na aluwage sa lahat ng kanyang mga tauhan.  Sa huling pagkakataon, nakiusap ito kung maari pa siyang ipagtayo ng isa pang bahay.

Dahil matagal na ngang amo, pumayag naman ang matandang karpintero, ngunit, lingid sa kaalaman ng kanyang amo, may namuong galit sa loob ng karpintero, dahil hindi pa siya pinagbigyang sa kanyang kahilingan.

Nang mag-umpisang magtrabaho ang matandang karpintero, matamlay itong hinarap ang kanyang trabaho at tipong walang ganang gumawa ng bahay.

Kaya, ang mga napiling ng matandang karpinterong mga materyales ay hindi matibay, mahina ang mga pundasyon ang ginawa, manipis na bubong ang inilagay at halatadong minamadali ang paggawa ng bahay.

Maaga naman natapos naman ng matandang karpintero ang bahay. Pinuntahan niya ang kanyang amo upang kunin ang kanyang sahod at makapagpaalam na rin. Ngunit, laking gulat ng karpintero, dahil sa halip na pera, susi ang ibinigay sa kanya ng amo.

Ang bahay pala na ipinatayo ng amo ay regalo sa matandang karpintero. Dahil sa tagal ng serbisyong ibinigay sa amo, ibinigay ito sa kanya bilang pasasalamat dahil sa nakakaibang-talento taglay niya bilang aluwage.

Nagulat at malaking hinayang ng matandang karpintero. Kung alam lang niya na para sa kanya ang ipinatayong bahay, dapat pinag-ibayo niya ang pagtatayo at paggawa at pinatibay ang bahay at hindi binalasubas.

Tulad din natin ang karpintero, sumasalamin sa buhay ng isang tao, bawat-araw, bawat-oras o bawat-minuto, hinuhubog natin ang ating sariling bahay. Pinupukpok ng martilyo, pinapalakas ang pundasyon, pinapatibay ang bubungan dahil tayo ang umuukit sa sarili natin buhay.

Samakatuwid, ang buhay natin ay ang resulta sa mga naging desisyon at kilos natin sa mga nakalipas na panahon. Tayo mismo ang gumagawa ng sarili nating kapalaran. #30#







Thursday, March 7, 2013

Ang Patibong


Sa isang malayong bukid, habang gumagawa ang mag-asawang magsasaka ng mga patibong para sa mga daga, di-kalayuan sa maliit na butas may isang bubuwit na tahimik nakamasid sa kanila.

Matagal nang sinisira ng mga daga ang mga pananim ng mag-asawa, halos malugi na ang sakahan nila, kaya, di na sila nakapagtimpi at gumawa ng mga patibong upang puksain ang mga daga.

Walang malay ang mag-asawang magsasaka na nakita pala sila ng bubuwit at mabilis na pumunta ito sa ibang bahagi ng bukid upang ipaalam sa mga ibang hayop na naroroon tungkol sa inilagay na patibong.

Nagsumbong ang bubuwit sa inahing manok, wala naman maibigay na tulong ito dahil ang pagkaalam niya, ito ay ginawa ng kanyang amo upang puksain ang mga daga, kaya, sinabi nito sa bubuwit na hindi niya ito matutulungan.

Sumunod naman na pinuntahan ng bubuwit ang  kulungan ng mga baboy upang humingi ng tulong. Tulad ng manok, wala rin maitutulong ang mga baboy at nangako na lang sila na ipagdarasal na lang nila ang mga daga.

Ang huling pinuntahan ng bubuwit ay ang baka, nagmakaawa itong humingi ng tulong, ngunit, hindi ito pinansin n, bagkus, itinaboy ang bubuwit at ipinagmalaki na hindi siya tatablan ng patibong.

Umuwing malungkot ang bubuwit at binalaan na lang ang mga kasamahan-daga na umiwas sa mga patibong na inilagay ng magsasaka.

Isang gabi, nagising ang asawa ng magsasaka dahil sa isang malakas na ingay na galing sa patibong. Tinignan niya ito at nakitang may nahulog sa patibong. Lumapit upang itapon ang akala niyang daga, ngunit, isa pala itong makamandag na ahas at tinuklaw ang kanyang paa.

Mabilis na isinugod ang asawa ng magsasaka ito sa ospital upang gamutin at hindi nagtagal, gumaling din ito, ngunit, nagkaroon ng isang matinding karamdaman ang babae.

Ang lalaki ay pumunta sa kanyang bukid at kinatay ang manok upang iluto para sa kanyang nanghihinang asawa. Makalipas ang ilang araw lumalala ang kondisyon nito. Dahil sa sobrang lungkot, pinuntahan niya ng kanyang mga matalik na kaibigan.

Kinatay ng magsasaka ang kanyang alagang baboy upang gawin handa sa kanyang mga kaibigan. Hindi nagtagal, nasawi rin ang kanyang asawa at dumagsa ang maraming tao upang makiramay. Kinatay ang kanyang baka upang gawing handa sa mga nakiramay.

Aral: Huwag balewalain ang isang taong humihingi ng tulong at laging tandaan kung may problema sa isang bahay lahat ay damay. #30

Sunday, February 10, 2013

Planetang parang Mundo abot-kamay lang


CAPE CANAVERAL, Fla. – Ang mga planetang kahalintulad ng Mundo ay maaring malapit lang sa atin at mas marami ito higit sa ating alam.

Thirteen light-years o katumbas ng 77 trilyon milya ang layo ng isang planetang katulad sa ating Mundo, batay ito sa pag-aaral ng mga astronomo ng Harvard-Smithsonian Center for Astrophysics.

Kung papaliitin ang buong Milky Way Galaxy at gawing kasinglaki lamang ng US, ang magiging distansya lang ng Mundo sa planeta ay halos kasinghaba lang ng New York’s Central Park, ani ni Courtney Dressing, ng Pamantasan ng Harvard.

Napakalapit lang nito sa Mundo at kung tutuusin kaya itong lakbayin ang mga nilalang nakatira duon at maari nila tayong puntahan, dagdag pa ni Dressing.

Ang ating solar system ay 4.5 bilyon taon na ang edad. Samantala ang iba ay may 12 bilyon taon na, kaya, malaki ang posibilidad mayroon planeta katulad sa ating daigdig. #30





ANG ALAMAT NG HAGDAN-HAGDANG PALAYAN -Ang Hagdan ni Bathala

Kuha ni Jonathan Velasco


Noong unang panahon, ang mga naninirahan sa mga bulubundukin ng Pilipinas ay biniyayaan ng masaganang buhay ni Bathala. Ngunit, lumipas ng maraming taon, unti-unting nakalimot ang mga tao at linapastangan ang kanyang mga linikha.

Nagtampo si Bathala sa mga tao, makalipas ng ilang taon di nakatiis at nagalit. Lumapit ito kay Kabunian, isang anitong nakatira sa bulubundukin at inutusan parusahan niya ang mga tao. Ngunit, tumanggi si Kabunian at nagmakaawa siya na bigyan pa ang mga tao ng pagkakataon.

Naawa ang Bathala dahil minamahal ni Kabunian ang mga taga-lupa at sinabihan si Kabunian na maghanap ito na isang tao na may mabuting puso at may takot sa diyos upang di niya lilipulin ang sangkatauhan. Malugod na tinanggap ni Kabunian ang hamon ng Bathala.

Nagtungo si Kabunian sa isang mag-asawang nakatira sa Bundok Pulog, pinakamataas na bundok sa buong lupalop. Si Wigan ay isang mabait na magsasaka, kasama niya ang asawang si  Bugan. Di sila nasisilaw sa kayamanan at piniling mabuhay ng tahimik sa paanan ng bundok.
Kuha ni James Bertuso

Nagpakita si Kabunian kay Wigan, ipinaalam nito na galit si Bathala sa mga tao at sinabihan umakyat sa Bundok Pulog upang mag-alay kay Bathala. Nag-isip si Wigan kung paano niya akyatin ang matarik na bundok dahil wala pang taong nakagawa nito.    

Habang nag-iisip si Wigan, napansin niya ang hagdanan ng kanilang balay patungo sa tuktok ng kanilang bubungan. Gumawa ng plano si Wigan upang makabuo ng pormang hagdanan paakyat ng bundok at linakihan ito para naman kay Kabunian.

Nawawalan na ng pasensiya si Bathala sa mga tao at binalaan niya si Kabunian. Muling nagmakaawa si Kabunian na bigyan pa siya ng kaunting panahon. Makalipas ng ilang taon, habang gumagawa ni Wigan ng hagdan sa bundok, biglang nagkaroon ng digmaan sa lupa.

Nagalit si Bathala at linipol niya ang sangkatauhan sa pamamagitan ng malaking baha.Kahit patuloy ang malakas na buhos na ulan, patuloy pa rin si Wigan na gumawa ng hagdan. Dahil sobrang taas ang bundok, hindi pa inabot ito ng tubig

Sa wakas, inabot ni Wigan ang tuktok ng bundok at agad na nagsindi ng apoy upang mag-alay kay Bathala. Nagmakaawa si Wigan na tigilan na ang baha. Pinakinggan siya ng Bathala at nagpakita siya kay Wigan at sinabing bigyan pa niya ang sangkatauhan ng isa pang tsansa.

Kuha ni Loraine Ricaborda
Dahil dito, katuwang na ni Wigan ang mga nakaligtas na tao upang gumawa pa ng maraming hagdan. Sa tulong na rin ni Kabunian, gumawa sila ng maraming hagdan at pagdaan ng maraming taon, tumubo ng mga palay at iba pang halaman upang may makain ng mga tao.

Dito nabuo ang mga Hagdan-Hagdan Palayan sa Mt Province. Hanggang ngayon, napanatili ng mga tao sa Ifugao ang ganda ng hagdan dahil sa pagmamahal sa Maykapal. Ayon sa iba, ginamit daw ni Bathala ang hagdan-hagdang palayan upang bumaba sa lupa at makihalubilo sa mga tao. #30


Kwento ni Erlinda Bot-og, 69-anyos na lola isang magsasaka at gabay ng mga turista sa Bomod -ok falls, Sagada, Mt Province.




Saturday, January 26, 2013

Ang Buhay ay Parang Eko




Isang araw, naisipan ng isang matalinong guro na ipasyal ang kanyang mga estudyante sa bundok upang madagdagan ang kanilang kaalaman sa buhay. Habang paakyat sila sa bundok, isang bata ang aksidenteng natalisod at napahiyaw sa sakit.

Sa kanyang pagbagsak, napahiyaw ng “Aray ang sakit” at laking gulat niya ng may gumaya sa kanya sa direksyon ng bundok.

Palibhasa, makulit at pasaway sa kanilang klase, biglang nag-init ang kanyang ulo at mabilis na tumayo at sumigaw ng “Sino ka?” 
 
Sumagot din ito ng “Sino ka?”

Lalong nagalit ang estudyante at sumigaw ng “Duwag ka!” Tila hindi nagpatalo ang gumagaya kaya sumagot rin ng “Duwag ka.”

Umusok na ang ilong ng estudyante at hinanap ang gumagaya sa kanya at sumigaw uli ng “Masama ka.” Hindi nagpatalo ang kanina pang sumasagot ay sinagot rin ng “Masama ka.”

Pinatigil ng maestro ang estudyante na kanina pa itong minamasdan at sinabihan siyang tumigil. Tinanong naman ng mag-aaral kung sino yun.

Sinabi ng guro na makinig at humarap ito sa bundok at sinabihan na sumigaw ng “Patawad.” Nagulat ang estudyante nang sumigaw rin ang bahaging direksyon ng bundok ng “Patawad.”

Sunod na sinabi ng guro na sumigaw ang estudyante ng “Matapang ka.” “Matapang ka” sagot din ng bundok. Pinasigaw uli siya ng “Mabuti ka” at tulad ng dati ginaya ang sigaw ng pasaway na estudyante. 

Dahil dito, hinarap ng maestro ang kanyang mga estudyante at sinimulan mangaral. Ang tawag dito ay “alingawngaw o eko,” tinatawag rin itong buhay. Ang buhay natin ay sumasalamin anuman binibigay natin sa ating kapwa.

Kung gusto mo mahalin ka ng tao. Mahalin mo rin sila. Kung gusto mong respetuhin at intindihin. Dapat marunong ka rin rumespeto at umintidi sa kapwa.

Simpleng mensahe ang nais iparating ng alingawngaw. Babalik sa iyo anuman ibinato mo sa iyong kapwa. Kung ano ang ginawa mo yan din ang gagawin sa iyo. Ang buhay ay tulad ng eko. #30




Viagra nakapapayat


Kapag narinig ang gamot na viagra ay isa lang ang direksyon ng isip natin. Ito ay ginagamit ng mga may edad na upang gumagana ang kanilang pakikipagtalik.

Ang gamot na viagra ay para sa “erectile dystunction,” nagbibigay daw ito ng mabuting puting selula ng taba na pipigil sa mga masasamang selula ng taba na nagdudulot sa mga tao sobra ang taba.

Natuklasan ng mga mananaliksik ng University of Bonn, ang viagra ay may halong kimikal na pumupuksa ng mga selula ng taba na masama ating katawan.

Sa pag-aaral na ginawa ng mga dalubhasa sa isang daga, tumaas daw ang bilang ng puting selula ng taba nang painumin ng viagra at nakitaan ng unti-unting pagbawas ng timbang.

Hindi inaasahan ang epekto ng viagra na maglabas ng puting selula ng taba at ang mga selulang ito ay magiging “beige \fat cells,” sumusunog sa mga masamang selula ng taba na nagdudulot ng sobrang katabaan, ayon kay Dr. Alexander Pfeifer, direktor ng UB.

Wala pang ganap na pag-aaral ang mga mananaliksik tungkol sa “beige fat cells” na mula sa viagra, kaya, hindi pa sigurado kung epektibo nito.

Ang sildenafil citrate o viagra ay gamot laban sa erectile dysfunction at pulmonary arterial hypertension. Nagmula ito sa Britanya na pinasikat ng US noon 1998. #30