Sunday, April 24, 2011

Ang negosyante at mga asawa




Noong unang panahon may isang napakayaman na negosyante na meron apat na asawa. Ang kanyang pinakamamahal ay ang pang-apat na asawa dahil lagi niyang hinahandugan ng regalo at kayamanan. Alagang-alaga niya ang pang-apat na asawa at halos lahat na oras ay iginugol dito.

Mahal din ng negosyante ang pangatlong asawa. Dahil sa ganda, lagi niya itong pinagyayabang at pinagmamalaki sa kanyang mga kaibigan at mga kaanak. Ngunit, sa ganda niya pinangangambahan lagi ng mangangalakal na maaagaw at sasama sa ibang lalaki.

Mahal din ng negosyante ang pangalawang asawa, mabait, pasensiyosa at mapagkakatiwalaan. Kung meron problema siya lagi niya itong tinatakbuhan upang humingi ng tulong at ni minsan hindi tumanggi.

Ngunit ang una nitong asawa, kahit na siya ang humahalili sa kanyang mga trabaho, nag-aalaga ng bahay at kanyang mga anak. Hindi gaanong binibigyan ng halaga ng negosyante, kahit tapat ang pagmamahal ito sa kanya.

Dumating ang panahon na nagkasakit at malapit ng mamatay ang negosyante. Dahil alam niyang malapit na niyang kunin ng kamatayan. Ipinatawag nito ang pang-apat niyang asawa.

Suyo niya sa kanyang pang-apat na asawa. “Mahal na mahal kita, binihisan, hinandugan ng mga regalo at inalagaan. Ngunit, ngayon malapit na akong mamatay. Nais ko sana sinta na sumama ka sa akin hanggang kamatayan. Sagot ng pang-apat na asawa.”Hindi maari,” umalis ito at di nagsalita. Nasaktan ang negosyante at nalungkot.

Ipinatawag naman nito ang pangatlong asawa. “Irog, mahal na mahal kita, malapit na akong pumanaw sa mundong ito. Hiling ko sana na samahan mo ako na umalis sa mundong ito. Sinagot ito ng pangatlong asawa, “Ayoko, di ako aalis sa mundong ito, maganda ang buhay ko dito. May magmamahal pa sa akin at mag-aasawa uli ako.” Halos madurog ang puso ng negosyante.

Pinapunta naman ng negosyante ang kanyang pangatlong asawa. “Mahal, malapit na akong mamaalam sa buhay na ito, nais ko sanang kasama kita sa pagpunta ko sa kabilang buhay, lagi kang nandiyan kung may problema ako at nais ko sanang samahan mo ako sa kabilang buhay.” Umiyak at lumuhod ang pangatlong asawa. “Patawarin mo ako mahal ngunit hindi maari, may mga anak tayo na hindi ko puwedeng iwanan, hanggang burol lang kita masasamahan. Nalungkot at umiiyak ang negosyante.

Nang sumapit ang kamatayan ng negosyante. May bumulong sa kanyang tenga. “Hinding-hindi kita iiwan hanggang kamatayan, sasamahan kita hanggang sa kabilang buhay. Nang masilayan niya kung sino ang bumulong. Nagulat siya dahil ang kaharap ay ang kanyang unang asawa.

Ang kanyang unang asawa, payat na payat, naghihingalo na rin dahil matandang-matanda na rin. Niyakap ng negosyante ito at nagsalita, “ Sana inalagaan kita ng mabuti noong una pa.”
Gintong Aral: Lahat tayo ay may apat na asawa sa buhay. Ang pang-apat na asawa ay sumisimbolo ng atin katawan. Kahit anong oras at tiyagang aalagaan ang ating katawan. Mabubulok pa rin pag tayo’y namatay.

Ang pangatlong asawa ay ang ating mga kagamitan, katayuan at kayamanan. Kung tayo masawi, mapapasakamay ito ng iba.

Ang pangalawang asawa ay ang mga kaibigan, kasama at kapamilya. Kahit gaano ka kamahal ng mga ito hindi sila maaring sumama hanggang sa kabilang buhay dahil mayroon din silang sariling buhay.

Ngunit, ang unang asawa ay ang ating kaluluwa, na simula pa ng isilang tayo sa mundong ito nandiyan na at kahit na mamatay tayo hindi aalis sa atin dahil kabahagi na ito ng buhay natin.

Kung kayat dapat palusugin na ang ating kaluluwa dahil ito ang magiging sandigan natin sa ating pupuntahan kung tayo aalis na sa mundong ito. #33#

No comments:

Post a Comment