Sunday, August 26, 2012

Mamang kinagat ng ahas, sa kanyang paghiganti kinagat rin


KATHMANDU – Ngipin sa ngipin. Tila ito ang naging panuntunan sa buhya ng isang lalaking naghiganti sa ahas matapos tuklawin siya nito sa pamamagitan ng pagkagat din dito hanggang mamatay kamakailan.

Ito ang naging paliwanag ni Mohamed Salmo Miya, 55, mula sa Kathmandu, Nepal, matapos mapatay nito ang ahas na tumuklaw sa kanya sa kanilang tahanan ng nakaraan buwan.

Halos lagutan ng hininga si Miya matapos tuklawin ng ahas at hindi lang pangkaraniwan ahas ang kumagat sa kanya kundi isang makamandag na ulupong (cobra), ayon kay Niraj Shahi, opisyal ng pulisya sa Kathmandu.

Ang matinding kamandag ng naturang ulupong ang nagdulot kanya nang pagkaparalisa sa loob ng halos dalawang linggo at isang himala dahil nakaligtas.

Dahil sa pangyayari, mula ng gumaling si Miya, matiyaga na niyang hinanap ang ulupong na tumuklaw sa kanya. Ginalugad niya ang lahat na sulok ng kanilang bahay at hindi nagtagal nahanap naman niya.

Bago matuklaw ng ulupong si Miya, nagawa niyang sulyapan ang itsura ng ahas, kaya at nang mahanap niya ito sa likod na kanilang bahay, tugmang-tugma ang laki at kulay ng ahas na kumagat sa kanya.  

Sa galit ni Miya, mabilis na sinunggaban ang ulupong dahil walang makitang pamalo, subalit, nagpupumilit pumiglas ang ahas, at sa takot na tuklawin, napilitan niyang kagatin ang ulo ng ahas hanggang maputol at mamatay.

Sa takot baka malason ng kamandag ng ulupong, pumunta agad si Miya sa ospital upang magpasuri. Sa kabutihan-palad, wala naman nakitang kamandag at hindi naman siya kinasuhan ng mga otoridad sa pagpatay sa ahas dahil ito ay itinutirng itong “endagered species” sa Nepal.#30

Sunday, August 19, 2012

Gregory Galgana Villar III:Isang Pinoy ang isa sa likod ng tagumpay ng ‘Curiosity’





Muling inilagay ang pangalan ng Pilipinas sa larangan ng siyensiya matapos magtagumpay ang Curiosity sa paglapag sa planetang Mars dahil may dugong Pinoy ang isa sa mga siyentipiko at inhinyero ng National Aeronautics and Space Administration na nasa likod ng tagumpay na misyon .

Ang tinutukoy ay si Gregory Galgana Villar III, 25, isang inhinyero ng NASA  na taga-California at tubong Baguio, kaisa-isang Pinoy na pinalad makasama sa misyon ng Mars Science Laboratory.

Matapos makumpirma ang paglapag ng Curiosity rover sa kalupaan ng Mars, nabunutan ng tinik ang mga nasa likod ng misyon at napalitan ng pananabik upang ipagpatuloy ang naturang  misyon at agad na umarangkada ang sasakyan sa kanyang pagsasaliksik.

Lumaki si Villar sa Long Beach, California, na pinalaki ng mga Filipinong magulang sa US. Nanirahan muna ng ilang taon sa Pilipinas at nag.aral sa St. Louis University Laboratory Highschool at bumalik sa US upang kumuha ng Physics sa California Polytechnic State University.

Mula sa pagkabata pangarap na ni Villar ang magtrabaho sa NASA, at nang bumalik sa Pilipinas, lalong nagkaroon ng interes na maging isang astronawt, dito nahubog ang pagkahilig niya sa Aerospace.

Si Eng. Gregory Villar III kuha sa NASA: Jet Propulsion Lab
Nagkaroon ng oportunidad si Villar nang mapili siyang maging iskolar ng NASA’s Motivating Undergraduates ng Science and Technology, at noong Hunyo 2010, natanggap siya bilang empleyado ng NASA.

Ang unang trabaho ni Villar ay guguhit ng mga modelo ng rover para sa hinaharap na misyon ng NASA, hanggang napabilang siya ng Science Planner ng Mars Science Laboratory. Ang gawain niya ay magsagawa ng mga pagsasanay ng mga astronawt kahit anuman misyon.

Laking tuwa ni Villar ng matagumpay lumapag ang Curiosity Rover sa Mars. Ipinagmamalaki niyang may dugo siyang Pilipino. Di pa rin niya makalimutan ang naging buhay sa bansang Pilipinas sa kanyang pagkabata.

Ang Nanay ni Villar ay mula Novaliches, Lungsod ng Quezon, samantala, ang kanyang tatay ay lumaki sa Lungsod ng Taguig. #30




Sunday, August 5, 2012

US nababahala sa pagpapalakas ng pwersa ng Al-Qaeda




WASHINGTON – Nagpalabas ng babala ang Estados Unidos na muli na naman lumalawak ang galamay ng Al-Qaeda sa buong mundo at ngayon ang bagong target nilang isapi sa kanilang organisasyon ay mga taong mahihirap sa mahihinang  bansa.

Ayon sa US State Department, ang nasa likod diumano nito ay ang bansang Iran at ilang pang natitirang kaanib ng Al-Qaeda. Pinapalaganap nila ang paniniwala at kaisipan ng isang terorista at tinuturuan silang maging marahas at kasuklaman ang mga kumakalaban sa kanila.

Mula nang mapaslang si Osama bin Laden, lider ng Al-Qaeda, ng mga piling-tropa ng US noong Mayo 2011 sa Pakistan, ipinagpatuloy ng mga naiwan kasama ng napaslang na lider ang mga pagpaplano kung paano makaganti sa kanilang mga kaaway.

Ayon kay Daniel Benjamin, ng department of counterterrorism ng US, ang malinaw na halimbawa ay ang Iraq, kung saan, dumami daw ang mga sumapi sa Al-Queda at halos karamihan sa kanila ay mga Arabo at meron rin taga-Yemen na bahagi na ng Africa,.

Sobrang nakakabahala ito dahil tila madadagdagan ang pwersa ng Al-Qaeda at lalong lumalawak pa  ito na umabot na sa Africa at ilan mga bansa sa timog-silangan ng Asya.

Kasama  rin sa ulat ang mga datos noong 2012, matapos magkaroon ng 10,000 pag-atake ng mga terorista sa 70 bansa ng buong mundo at nag-iwan ng 12,500 taong namatay.  Mas mababa ito ng 12% kumpara ng datos ng taon 2010 at  29 % naman ng taon  2007.

Ang ibig sabihin ng Al-Qaeda sa salitang Arabo ay “Ang Pundasyon.” Itinatag ito sa ilalim ng pamunuan ni bin Laden upang labanan ang pananakop ng Sobyet sa Afghanistan ng taon 1988-1989, na binubuo ng mga rebeldeng Sunni-Muslim na gustong lumaya sa poder ng Komunista.  Nakilala rin ang grupo matapos akuin pag-atake sa World Trade Center ng New York noon Set. 11, 2001. #30