Sunday, August 5, 2012

US nababahala sa pagpapalakas ng pwersa ng Al-Qaeda




WASHINGTON – Nagpalabas ng babala ang Estados Unidos na muli na naman lumalawak ang galamay ng Al-Qaeda sa buong mundo at ngayon ang bagong target nilang isapi sa kanilang organisasyon ay mga taong mahihirap sa mahihinang  bansa.

Ayon sa US State Department, ang nasa likod diumano nito ay ang bansang Iran at ilang pang natitirang kaanib ng Al-Qaeda. Pinapalaganap nila ang paniniwala at kaisipan ng isang terorista at tinuturuan silang maging marahas at kasuklaman ang mga kumakalaban sa kanila.

Mula nang mapaslang si Osama bin Laden, lider ng Al-Qaeda, ng mga piling-tropa ng US noong Mayo 2011 sa Pakistan, ipinagpatuloy ng mga naiwan kasama ng napaslang na lider ang mga pagpaplano kung paano makaganti sa kanilang mga kaaway.

Ayon kay Daniel Benjamin, ng department of counterterrorism ng US, ang malinaw na halimbawa ay ang Iraq, kung saan, dumami daw ang mga sumapi sa Al-Queda at halos karamihan sa kanila ay mga Arabo at meron rin taga-Yemen na bahagi na ng Africa,.

Sobrang nakakabahala ito dahil tila madadagdagan ang pwersa ng Al-Qaeda at lalong lumalawak pa  ito na umabot na sa Africa at ilan mga bansa sa timog-silangan ng Asya.

Kasama  rin sa ulat ang mga datos noong 2012, matapos magkaroon ng 10,000 pag-atake ng mga terorista sa 70 bansa ng buong mundo at nag-iwan ng 12,500 taong namatay.  Mas mababa ito ng 12% kumpara ng datos ng taon 2010 at  29 % naman ng taon  2007.

Ang ibig sabihin ng Al-Qaeda sa salitang Arabo ay “Ang Pundasyon.” Itinatag ito sa ilalim ng pamunuan ni bin Laden upang labanan ang pananakop ng Sobyet sa Afghanistan ng taon 1988-1989, na binubuo ng mga rebeldeng Sunni-Muslim na gustong lumaya sa poder ng Komunista.  Nakilala rin ang grupo matapos akuin pag-atake sa World Trade Center ng New York noon Set. 11, 2001. #30


No comments:

Post a Comment