Sunday, August 19, 2012

Gregory Galgana Villar III:Isang Pinoy ang isa sa likod ng tagumpay ng ‘Curiosity’





Muling inilagay ang pangalan ng Pilipinas sa larangan ng siyensiya matapos magtagumpay ang Curiosity sa paglapag sa planetang Mars dahil may dugong Pinoy ang isa sa mga siyentipiko at inhinyero ng National Aeronautics and Space Administration na nasa likod ng tagumpay na misyon .

Ang tinutukoy ay si Gregory Galgana Villar III, 25, isang inhinyero ng NASA  na taga-California at tubong Baguio, kaisa-isang Pinoy na pinalad makasama sa misyon ng Mars Science Laboratory.

Matapos makumpirma ang paglapag ng Curiosity rover sa kalupaan ng Mars, nabunutan ng tinik ang mga nasa likod ng misyon at napalitan ng pananabik upang ipagpatuloy ang naturang  misyon at agad na umarangkada ang sasakyan sa kanyang pagsasaliksik.

Lumaki si Villar sa Long Beach, California, na pinalaki ng mga Filipinong magulang sa US. Nanirahan muna ng ilang taon sa Pilipinas at nag.aral sa St. Louis University Laboratory Highschool at bumalik sa US upang kumuha ng Physics sa California Polytechnic State University.

Mula sa pagkabata pangarap na ni Villar ang magtrabaho sa NASA, at nang bumalik sa Pilipinas, lalong nagkaroon ng interes na maging isang astronawt, dito nahubog ang pagkahilig niya sa Aerospace.

Si Eng. Gregory Villar III kuha sa NASA: Jet Propulsion Lab
Nagkaroon ng oportunidad si Villar nang mapili siyang maging iskolar ng NASA’s Motivating Undergraduates ng Science and Technology, at noong Hunyo 2010, natanggap siya bilang empleyado ng NASA.

Ang unang trabaho ni Villar ay guguhit ng mga modelo ng rover para sa hinaharap na misyon ng NASA, hanggang napabilang siya ng Science Planner ng Mars Science Laboratory. Ang gawain niya ay magsagawa ng mga pagsasanay ng mga astronawt kahit anuman misyon.

Laking tuwa ni Villar ng matagumpay lumapag ang Curiosity Rover sa Mars. Ipinagmamalaki niyang may dugo siyang Pilipino. Di pa rin niya makalimutan ang naging buhay sa bansang Pilipinas sa kanyang pagkabata.

Ang Nanay ni Villar ay mula Novaliches, Lungsod ng Quezon, samantala, ang kanyang tatay ay lumaki sa Lungsod ng Taguig. #30




No comments:

Post a Comment