Saturday, June 16, 2012

Ang Tunay na Langit







Isang araw may lalaking kasama ang kanyang alagang aso ang naglalakad sa isang maluwag na daan. Namangha siya sa ganda ng tanawin na madadaanan at makalipas ng maraming oras may natanaw siyang malaking kastilyo.

Nakatayo ito sa taas ng burol, ang palasyo ay gawa sa makimtab na marmol, ang mga salamin ay tila mga diyamante, ang pintuan ay ginto, napakaluwag ang bakuran at ang hardin ay puno ng mga palamuti at mga luntiang puno. Isang kastilyo na para lang sa mga mayayaman\.

Dahil pagod sa kakalakad, naisipan ng lalaki na pumasok sa palasyo upang magpahinga, nang makalapit sa pintuan, nakita niya ang isang mamang nakabantay sa pasukan at nilapitan ito.

“Ano pong tawag sa lugar na ito?,” tanong ng lalaki. “Ito ay langit,” sagot ng bantay. “Talaga ho,” sabi ng di makapaniwalang lalaki. “Maari po bang makahingi ng tubig kasi po nauuhaw ako sa mahabang paglalakad,” pakiusap ng lalaki.

Pinaunlakan naman ng bantay, “Tuloy ka sa malaking pintuan at meron kaming tubig na napakasarap at kasing-lamig ng yelo’” Laking tuwa ng lalaki at nagmamadaling pumasok sa pintuan, ngunit napatigil nang maalala ang alagang aso.

Bumalik ang lalaki sa bantay at pinaki-usapan kung maaring isama ang alagang aso dahil pagod  rin ito at nauuhaw. Tumanggi ang bantay at nagpaliwanag na hindi puwede ang mga hayop sa loob. Nakiusap muli ang lalaki na kahit bigyan na lang sila ng tubig.

Sumagot ang bantay na baso lang ang meron, ngunit, walng inuman ng hayop. Laking dismaya ng lalaki at umalis na lang sa lugar, kasama ang kanyang alagang aso.

Muli nilang tinahak ang maluwag na daan na di alam kung saan ang patutunguhan. Makalipas ng ilang oras, ang kalsadang maganda ay unti-unting naging mabato at maputik at ilang sandali pa, may nakita siyang napaka-simpleng bukid na maraming puno, mga hayop at mga ibon.

Pinuntahan niya ang bukid at may nakita siyang malaking puno at sa ilalim nito ay isang matandang lalaki na may hawak na libro. Nilapitan ng lalaki ang matanda tinanong kung ano ang tawag sa lugar.  “Langit,” sagot ng matanda.

Muling nagtaka ang lalaki, ngunit pinabayaan lang niya ito, “ Maari po bang makainom ng tubig sa balon nyo.” Pinaunlakan ng matanda at sinabing pumasok na lang sila pintuan at may makikitang balon at ;pwedeng silang uminom doon.”

Nagpasalamat ang lalaki at tinanong kung pwedeng isama ang alagang aso ko sa loob. Ngumiti lang ang matanda at sinabing maari silang pumasok at pwede  rin uminom sa balon ang aso.

Laking tuwa ng lalaki at nagmamadali pumasok sa maliit na pintuan. Habang umiinom ng tubig, biglang pumasok sa isip ng lalaki na kamamatay lang pala niya sa isang malagim na aksidente at naalala niya kasama pala niya ang kanyang alagang aso na namatay rin.

Matapos silang uminom, nilapitan niya uli ang matandang lalaki, at muling nagtanong. “ Ano po ulit ang tawag nyo sa lugar na ito?” Sinagot uli ng matandang lalaki na ang lugar ay langit.

Naguluhan ang isip ng lalaki at sinabing bago narating nila ang lugar, may nadaanan silang malaking palasyo at sinabi rin sa kanya na langit din yon. Tumawa ang matandang lalaki at sinabing impyerno yun at sinasala ang mga taong papunta sa langit.

Gintong aral: Ang istorya ay sumalamin sa tunay na langit. Ang tunay na langit ay simple at hindi magara tulad ng nakikita sa mundo. Ang aso ay simbolo na kahit sino ay pwedeng makarating sa langit kung karapatdapat. #30



No comments:

Post a Comment