Friday, July 13, 2012

Ang Payaso


Minsan sa malayong bayan may napadpad na isang payaso. Sayang-saya ang payaso sa mga bata at araw-araw ay nagtatanghal sa plasa ng bayan.  Iba’t ibang mga kwento, awit, mahika at sayaw ang kanyang pinapalabas.

Nagbigay saya ang payaso ng saya sa mga bata at sa kalaunan, pati na ang mga matatanda. Sa bawat halakhak ng mga mamayan ng naturang bayan ay nagbibigay ng malaking kaginhawaan at kasiyahan sa kanilang puso.

Makalipas ng ilan buwan, nakarating ang balita sa pinuno ng bayan tungkol sa tanyag na payaso. Nakipagkita ito sa kanya at inalok na magtanghal sa kanyang tahanan at may kapalit na malaking halaga.

Tinanggihan ito ng payaso at sa halip niyaya niya ito na manood na lamang sa kanyang mga pagtatanghal sa plasa. Dahil sa tinuran ng payaso, sumama ang loob ng pinuno at binalaan na mag-ingat ang payaso.

Lingid sa kaalaman ng kararamihan, ang pinuno ng bayan ang may-ari ng perya at mga pasugalan sa kanilang lugar at balak sana nitong yayain ang payaso ng magtrabaho sa kanya.

Mula nang dumating ang payaso sa bayan, malaki na ang pinagbago ang mga mamayan dito. Sumigla sila at laging may ngiti sa kanilang mga labi. Gumanda rin ang kanilang pamumuhay at dumami ang kanilang mga ani.

Ang musika, tawanan at halaklakan ang naging dahilan nito. Lalo na sa pagdating ng gabi ng Sabado, lahat say nagtipun-tipon sa plasa upang panoorin ang pagtatanghal ng payaso. Hindi sila nagsasawa sa mga kwento, sayaw at kanta nito.

Dahil sa pagbabago, lalong nagalit ang pinuno, halos wala na kasi siyang parokyano sa kanyang perya. Nalugi ang kita nito at nabaon sa utang. Sa galit, personal niya itong pinuntahan ang payaso upang palayasin.

Hindi naman natakot payaso at nagpatuloy sa kanyang mga gawain. Bumalik muli ang pinuno na may dalang ginto at inalok ito, ngunit bigo parin na paalisin. Sukdulan na ang galit ng pinuno sa payaso, kaya inutusan niya ang mga tauhan na paslangin.

Hating-gabi ng Sabado ng matapos magtanghal ang payaso, pinuntahan siya ng mga tauhan ng pinuno at dinakip. Pinahirapan muna nila ang kawawang payaso at matapos saktan, kinaladkad siya sa isang puno at duon binitin ng patiwarik bago pinaslang.

Kinabukasan nalaman ng mga tao sa bayan ang nangyari sa payaso, kahit alam nila kung sino ang gumawa, nagmistula silang pipi at bingi na tila walang alam sa pangyayari.
Mula noon naging malungkot muli ang bayan, walang siglang magtrabaho ang mga mamayan at malungkot ang kanilang mga mukha. Bumagsak ang pamumuhay ng bayan. Naghirap ang mga tao at tila nawalan na ng pagasa.

Lumipas ang ilang mga araw, nagulat sila ng meron muling isang payaso ang nagtatanghal sa plasa. Bumalik ang payaso. Sigaw ng mga bata at dali-daling silang pumunta sa bayan.

Matapos magtanghal ang payaso, tinanong kung siya ang dating payaso. Laking gulat nila ng malaman ang naturang payaso ay taga-roon din sa kanila. Isang matapang na kababayan na nagbihis-payaso upang magtanghal at maibalik ang dating sigla ng kanilang bayan.

Aral: May kasabihan mas madaling magpaiyak ng isang tao dahil mas mahirap patawanin at pasayahin. Di ba masarap ang pakiramdam kung makapagpasaya ka ng mga tao dahil ang halakhak o tawanan ay mistulang isang awit na nagpapasigla ng buhay. #30


                                                                                                                       

No comments:

Post a Comment