Sunday, December 30, 2012

Murang ‘cancer sensor’ naimbento ng 15-anyos




Isang mumurahin “cancer sensor” ang nalikha ng 15-anyos na estudyante pa lamang ng mataas na paaralan.

Nakuha ni Jack Andraka, isang estudyante ng Maryland, ang unang premyo bilang “grand winner” sa naganap na Intel International Science and Engineering, dahil sa naimbentong “paper sensor” na kayang tuklasin sa ang isang tao kung may sakit itong kanser.

Higit na mas mura at maganda ang kalidad, 90% ang ganap na kawastuhan, simpleng gamitin at mabilis malaman kung may sakit na kanser ang isang pasyente kumpara sa mga ibang uri ng “cancer sensor test.”

Ang “cancer sensor”ay yari sa papel. Isa itong dip-stick sensor at inilalagay sa dugo o ihi ng isang pasyente at ibabad. Ilan sandali puwede ng malaman kung positibo sa sakit na kan ser ang isang tao.

Nakukuha ng pirasong papel ang protina ng dugo at mag-iiba ng kulay at kakalat sa papel. Dito malalaman kung meron sakit na kanser ang isang pasyente

Nabigay inspirasyon kay Andraka ang kapatid ng kanyang mga kaibigan na namatay sa sakit na pancreatic cancer. Iginunugol niya ang maraming oras sa pananaliksik at pag-aaral hanggang makaisip siya ng paraan kung paano makagawa ng isang “dip-stick sensor.”

Mula pa pagkabata, nahilig na si Andraka sa siyensiya, meron din siyang naimbetong “dip stick sensor” na pwedeng tumuklas ng polusyon sa tubig. #30

Sunday, September 16, 2012

Pag-Mina sa Kalawakan




Washington, USA - Pinagaaralan ng mga siyentipiko ngayon kung maari minahin ang mga naglalakihang mga asteroid.

Magpadala ng mga robot ships sa kalawakan upang magmina ng mga asteroid at
pagkakitaan, ito ang balak ng Planetary Resources Inc, isang bagong tayong kumpanya sa Amerika.

Ayon sa mga eksperto, binabalutan ng mga mineral na platinum at ginto ang isang asteroid, ito ang nais ng Planetary Resources Inc , ang magamit ang minerals nito.

Malaking palaisipan parin sa mga siyentipiko kung paano ma extract ang mga minerals  ng asteroid, at natinding pagsubok pa ang makakuha ng asteroid sa kalawakan dahil sa layo nito sa mundo.

Ngunit kahit gaano kahirap desidido ang sina Eric Anderson at Peter Diamandis founders ng Planetray Resources Inc, na mag invest sa mga asteroid. #30

Anak pinagkamalan unggoy binaril patay




NEPAL – Isang lalaking magsasaka ang aksidenteng nabaril ang sariling anak matapos pagkamalan unggoy na nagnanakaw sa kanyang mga pananim.

Dahil laging pineperwisyo ng mga unggoy ang mga pananim ni Gupta Bahadur, 55, kaya, napilitan bumili ng baril upang may pantaboy sa mga makukulit na matsing.

Kamakailan, muli na naman sinalakay ng mga unggoy ang mga pananim ng Bahadur. Dahil ayaw na niyang mapinsala pa ang kanyang mga pananim, hinabol niya ang mga ito na dala-dala ang kanyang riple.

Kasama ni Bahadur sa pagtaboy sa mga unggoy ay kanyang anak na si Chitra Bahadur Pulami, 12. Habang hinahabol niya ang mga unggoy ay binabaril niya ang mga ito at dito naisipan naman ng anak na umakyat sa isang puno upang tumulong itaboy ang mga unggoy.

Matapos maitaboy ni Bahadur ang grupo ng mga unggoy, bumalik ito sa kanyang sakahan. Ngunit, meron siyang napansin sa itaas ng puno na gumagalaw na bagay at inasinta niya nito ng kanyang riple sa pag-aakalang matsing at saka pinutukan.

Natuwa naman si Bahadur nang makita niyang nahulog ang binaril niyang bagay at saka nilapitan. Ngunit, laking gulat niya ng malaman anak niya pala ang binaril.

Dahil dito, mabilis na itinakbo ni Bahadur ang anak sa ospital dahil sa tama sa ulo. Ilang raw din nanatiling kritikal ang kundisyon ni Chitra sa pagamutan at sa kalaunan namatay rin ito.

Abot langit ang pagsisi ni Bahadur sa kanyang nagawa at agad na sumuko sa pulis na hanggang ngayon ay nasa kulugan pa rin at di makapaniwala sa nangyari. #30




Sunday, August 26, 2012

Mamang kinagat ng ahas, sa kanyang paghiganti kinagat rin


KATHMANDU – Ngipin sa ngipin. Tila ito ang naging panuntunan sa buhya ng isang lalaking naghiganti sa ahas matapos tuklawin siya nito sa pamamagitan ng pagkagat din dito hanggang mamatay kamakailan.

Ito ang naging paliwanag ni Mohamed Salmo Miya, 55, mula sa Kathmandu, Nepal, matapos mapatay nito ang ahas na tumuklaw sa kanya sa kanilang tahanan ng nakaraan buwan.

Halos lagutan ng hininga si Miya matapos tuklawin ng ahas at hindi lang pangkaraniwan ahas ang kumagat sa kanya kundi isang makamandag na ulupong (cobra), ayon kay Niraj Shahi, opisyal ng pulisya sa Kathmandu.

Ang matinding kamandag ng naturang ulupong ang nagdulot kanya nang pagkaparalisa sa loob ng halos dalawang linggo at isang himala dahil nakaligtas.

Dahil sa pangyayari, mula ng gumaling si Miya, matiyaga na niyang hinanap ang ulupong na tumuklaw sa kanya. Ginalugad niya ang lahat na sulok ng kanilang bahay at hindi nagtagal nahanap naman niya.

Bago matuklaw ng ulupong si Miya, nagawa niyang sulyapan ang itsura ng ahas, kaya at nang mahanap niya ito sa likod na kanilang bahay, tugmang-tugma ang laki at kulay ng ahas na kumagat sa kanya.  

Sa galit ni Miya, mabilis na sinunggaban ang ulupong dahil walang makitang pamalo, subalit, nagpupumilit pumiglas ang ahas, at sa takot na tuklawin, napilitan niyang kagatin ang ulo ng ahas hanggang maputol at mamatay.

Sa takot baka malason ng kamandag ng ulupong, pumunta agad si Miya sa ospital upang magpasuri. Sa kabutihan-palad, wala naman nakitang kamandag at hindi naman siya kinasuhan ng mga otoridad sa pagpatay sa ahas dahil ito ay itinutirng itong “endagered species” sa Nepal.#30

Sunday, August 19, 2012

Gregory Galgana Villar III:Isang Pinoy ang isa sa likod ng tagumpay ng ‘Curiosity’





Muling inilagay ang pangalan ng Pilipinas sa larangan ng siyensiya matapos magtagumpay ang Curiosity sa paglapag sa planetang Mars dahil may dugong Pinoy ang isa sa mga siyentipiko at inhinyero ng National Aeronautics and Space Administration na nasa likod ng tagumpay na misyon .

Ang tinutukoy ay si Gregory Galgana Villar III, 25, isang inhinyero ng NASA  na taga-California at tubong Baguio, kaisa-isang Pinoy na pinalad makasama sa misyon ng Mars Science Laboratory.

Matapos makumpirma ang paglapag ng Curiosity rover sa kalupaan ng Mars, nabunutan ng tinik ang mga nasa likod ng misyon at napalitan ng pananabik upang ipagpatuloy ang naturang  misyon at agad na umarangkada ang sasakyan sa kanyang pagsasaliksik.

Lumaki si Villar sa Long Beach, California, na pinalaki ng mga Filipinong magulang sa US. Nanirahan muna ng ilang taon sa Pilipinas at nag.aral sa St. Louis University Laboratory Highschool at bumalik sa US upang kumuha ng Physics sa California Polytechnic State University.

Mula sa pagkabata pangarap na ni Villar ang magtrabaho sa NASA, at nang bumalik sa Pilipinas, lalong nagkaroon ng interes na maging isang astronawt, dito nahubog ang pagkahilig niya sa Aerospace.

Si Eng. Gregory Villar III kuha sa NASA: Jet Propulsion Lab
Nagkaroon ng oportunidad si Villar nang mapili siyang maging iskolar ng NASA’s Motivating Undergraduates ng Science and Technology, at noong Hunyo 2010, natanggap siya bilang empleyado ng NASA.

Ang unang trabaho ni Villar ay guguhit ng mga modelo ng rover para sa hinaharap na misyon ng NASA, hanggang napabilang siya ng Science Planner ng Mars Science Laboratory. Ang gawain niya ay magsagawa ng mga pagsasanay ng mga astronawt kahit anuman misyon.

Laking tuwa ni Villar ng matagumpay lumapag ang Curiosity Rover sa Mars. Ipinagmamalaki niyang may dugo siyang Pilipino. Di pa rin niya makalimutan ang naging buhay sa bansang Pilipinas sa kanyang pagkabata.

Ang Nanay ni Villar ay mula Novaliches, Lungsod ng Quezon, samantala, ang kanyang tatay ay lumaki sa Lungsod ng Taguig. #30




Sunday, August 5, 2012

US nababahala sa pagpapalakas ng pwersa ng Al-Qaeda




WASHINGTON – Nagpalabas ng babala ang Estados Unidos na muli na naman lumalawak ang galamay ng Al-Qaeda sa buong mundo at ngayon ang bagong target nilang isapi sa kanilang organisasyon ay mga taong mahihirap sa mahihinang  bansa.

Ayon sa US State Department, ang nasa likod diumano nito ay ang bansang Iran at ilang pang natitirang kaanib ng Al-Qaeda. Pinapalaganap nila ang paniniwala at kaisipan ng isang terorista at tinuturuan silang maging marahas at kasuklaman ang mga kumakalaban sa kanila.

Mula nang mapaslang si Osama bin Laden, lider ng Al-Qaeda, ng mga piling-tropa ng US noong Mayo 2011 sa Pakistan, ipinagpatuloy ng mga naiwan kasama ng napaslang na lider ang mga pagpaplano kung paano makaganti sa kanilang mga kaaway.

Ayon kay Daniel Benjamin, ng department of counterterrorism ng US, ang malinaw na halimbawa ay ang Iraq, kung saan, dumami daw ang mga sumapi sa Al-Queda at halos karamihan sa kanila ay mga Arabo at meron rin taga-Yemen na bahagi na ng Africa,.

Sobrang nakakabahala ito dahil tila madadagdagan ang pwersa ng Al-Qaeda at lalong lumalawak pa  ito na umabot na sa Africa at ilan mga bansa sa timog-silangan ng Asya.

Kasama  rin sa ulat ang mga datos noong 2012, matapos magkaroon ng 10,000 pag-atake ng mga terorista sa 70 bansa ng buong mundo at nag-iwan ng 12,500 taong namatay.  Mas mababa ito ng 12% kumpara ng datos ng taon 2010 at  29 % naman ng taon  2007.

Ang ibig sabihin ng Al-Qaeda sa salitang Arabo ay “Ang Pundasyon.” Itinatag ito sa ilalim ng pamunuan ni bin Laden upang labanan ang pananakop ng Sobyet sa Afghanistan ng taon 1988-1989, na binubuo ng mga rebeldeng Sunni-Muslim na gustong lumaya sa poder ng Komunista.  Nakilala rin ang grupo matapos akuin pag-atake sa World Trade Center ng New York noon Set. 11, 2001. #30


Friday, July 13, 2012

Ang Payaso


Minsan sa malayong bayan may napadpad na isang payaso. Sayang-saya ang payaso sa mga bata at araw-araw ay nagtatanghal sa plasa ng bayan.  Iba’t ibang mga kwento, awit, mahika at sayaw ang kanyang pinapalabas.

Nagbigay saya ang payaso ng saya sa mga bata at sa kalaunan, pati na ang mga matatanda. Sa bawat halakhak ng mga mamayan ng naturang bayan ay nagbibigay ng malaking kaginhawaan at kasiyahan sa kanilang puso.

Makalipas ng ilan buwan, nakarating ang balita sa pinuno ng bayan tungkol sa tanyag na payaso. Nakipagkita ito sa kanya at inalok na magtanghal sa kanyang tahanan at may kapalit na malaking halaga.

Tinanggihan ito ng payaso at sa halip niyaya niya ito na manood na lamang sa kanyang mga pagtatanghal sa plasa. Dahil sa tinuran ng payaso, sumama ang loob ng pinuno at binalaan na mag-ingat ang payaso.

Lingid sa kaalaman ng kararamihan, ang pinuno ng bayan ang may-ari ng perya at mga pasugalan sa kanilang lugar at balak sana nitong yayain ang payaso ng magtrabaho sa kanya.

Mula nang dumating ang payaso sa bayan, malaki na ang pinagbago ang mga mamayan dito. Sumigla sila at laging may ngiti sa kanilang mga labi. Gumanda rin ang kanilang pamumuhay at dumami ang kanilang mga ani.

Ang musika, tawanan at halaklakan ang naging dahilan nito. Lalo na sa pagdating ng gabi ng Sabado, lahat say nagtipun-tipon sa plasa upang panoorin ang pagtatanghal ng payaso. Hindi sila nagsasawa sa mga kwento, sayaw at kanta nito.

Dahil sa pagbabago, lalong nagalit ang pinuno, halos wala na kasi siyang parokyano sa kanyang perya. Nalugi ang kita nito at nabaon sa utang. Sa galit, personal niya itong pinuntahan ang payaso upang palayasin.

Hindi naman natakot payaso at nagpatuloy sa kanyang mga gawain. Bumalik muli ang pinuno na may dalang ginto at inalok ito, ngunit bigo parin na paalisin. Sukdulan na ang galit ng pinuno sa payaso, kaya inutusan niya ang mga tauhan na paslangin.

Hating-gabi ng Sabado ng matapos magtanghal ang payaso, pinuntahan siya ng mga tauhan ng pinuno at dinakip. Pinahirapan muna nila ang kawawang payaso at matapos saktan, kinaladkad siya sa isang puno at duon binitin ng patiwarik bago pinaslang.

Kinabukasan nalaman ng mga tao sa bayan ang nangyari sa payaso, kahit alam nila kung sino ang gumawa, nagmistula silang pipi at bingi na tila walang alam sa pangyayari.
Mula noon naging malungkot muli ang bayan, walang siglang magtrabaho ang mga mamayan at malungkot ang kanilang mga mukha. Bumagsak ang pamumuhay ng bayan. Naghirap ang mga tao at tila nawalan na ng pagasa.

Lumipas ang ilang mga araw, nagulat sila ng meron muling isang payaso ang nagtatanghal sa plasa. Bumalik ang payaso. Sigaw ng mga bata at dali-daling silang pumunta sa bayan.

Matapos magtanghal ang payaso, tinanong kung siya ang dating payaso. Laking gulat nila ng malaman ang naturang payaso ay taga-roon din sa kanila. Isang matapang na kababayan na nagbihis-payaso upang magtanghal at maibalik ang dating sigla ng kanilang bayan.

Aral: May kasabihan mas madaling magpaiyak ng isang tao dahil mas mahirap patawanin at pasayahin. Di ba masarap ang pakiramdam kung makapagpasaya ka ng mga tao dahil ang halakhak o tawanan ay mistulang isang awit na nagpapasigla ng buhay. #30