Monday, January 17, 2011

Kwento sa 3 puno



Isang araw may tatlong puno sa gubat ang naisipan magkwentuhan kung ano ang kanilang mga pangarap. Sabi ng unang puno: “Gusto kong maging isang kahon na lalagyanan ng kayamanan. Isang magarang baul ng kayamanan na binabalutan ng magandang disenyo, laging puno ng ginto, pera at mamahaling mga alahas.”

Ani naman ng pangalawang puno: “Ako naman ay isang napakalaking at matibay na barko, mga magigiting na kapitan, tao, hari at reyna ang sasakay sa akin. Lilibutin ko ang buong mundo at walang bagyo o hangin ang magpapalubog sa akin.” Sabi naman ng pangatlong puno, “Ako naman ay isang pinakamataas at malakas na puno upang lahat ng tao ay mapapatingin at hahanga sa kisig at taas ng aking mga sanga, kahit ang kalangitan ay maabot ko sa taglay kong kataasan.”

Nagdaan ng maraming taon, nagpatuloy ang tatlo sa pagdarasal upang magkatotoo ang kanilang mga pangarap. Nang dumating ang isang magtrotroso at naggawi sa lugar ng unang puno. Mungkahi sa mga kasama: “Maganda ang punong ito at pwedeng maging isang taguan ng gamit, ito na ang putulin natin at ibenta sa mga karpintero.” Galak na galak ang unang puno dahil sa matutupad na rin ang kanyang pangarap.

Ngunit, matapos maputol ang unang puno at sa halip na gawin isang magarang kahon, napunta sa isang karpinterong gumagawa ng kainan ng mga hayop. Halos hindi makapaniwala ang unang puno ng mapunta sa kulungan ng mga hayop at maging kainan ng mga kabayo.

Makalipas ang ilang mga taon. May napadaan mga mangangaso at naghahanap ng kahoy na ibebenta. Nakita nila ang pangalawang puno. “Ito ang putulin natin mukhang matibay ang punong ito at bagay maging panglakbay pangtubig.” Tuwang-tuwa ang pangalawang puno dahil sa wakas masasagot ang matagal niyang pinapanalangin.

Naibenta naman ng mga mangangaso ang pangalawang puno sa mga mahihirap na mangingisda, sa halip na gawing malaking barko ay naging bangkang kahoy na gamit sa pangingisda. Natulala ang pangalawang puno dahil sa di nagkatotoo ang kanyang pinapangarap.

Naiwan naman ang pangatlong puno, tumankad at naging makisig na puno, makalipas ang ilang mga dekada may mga sundalong napadaan at namimili ng puno. Ang sabi ng kanilang kapitan: “Ang punong yan na napakataas ang piliin natin upang Makita ng mabuti ng mga tao ang isang kriminal na itatali upang di tularan.” Walang nagawa ang pangatlong puno kundi umiyak ng umiyak habang pinuputol ang kanyang katawan.

Nanghina at nalungkot ang tatlong puno dahil hindi nila nakamit ang kanilang minimithi. Minsan may dalawang mag-asawa ang napadpad sa taguan ng mga hayop, kung saan, ang unang puno namamalagi. Ang babae ay manganganak at walang mapaglagyan ng isisilang na sanggol. Nakita ng lalaki ang kahoy na lalagyanan ng pagkain, kinuha ito at duon inilagay ang naisilang na sanggol. Sa unang pagkakataon sumaya ang pakiramdam ng unang puno dahil kalong-kalong niya ang pinakadakilang kayamanan sa lahat dahil sa pagsilang ng Anak ng Diyos.

Lumipas ng maraming taon, meron isang lalaki ang nangaral sa may tabing dagat. Naisipan nito at ng kanilang mga kasama na maglakbay at manghuli ng isda, nang maglayag meron isang malakas na bagyo ang dumaan sa kanilang puwesto, mahimbing ang tulog ng lalaki habang ang kanyang mga kasama ay halos umiiyak sa takot, di naman hinayaan ng pangalawang puno na magpalubog, pinatibay ang kanyang katawan upang makayanan ang malakas na bugso ng hangin at mga dambuhalang alon. Tumingin na lang ito sa langit at nagdasal. Nagising ang natutulog ng lalaki at sumigaw ng “Kapayapaan.” Tumigil ang hangin at alon. Nawala ang bagyo. Halos umiyak sa kasiyahan ang pangalawang puno dahil sumakay sa kanya ang pinakamagiting na lalaki sa buong mundo ang Hari ng sanlibutan.

Halos magmakaawa naman ang pangatlong puno sa mga sundalo dahil pinutol niya. Nadurog at nawalan saysay ang kanyang buhay. Ipinasa ng sundalo ang puno sa isang lalaki. Pinabuhat sa kanya ang malaki at mabigat na puno. Kinukutya, sinasaktan at halos matikman na ng pangatlong puno ang pawis at dugo ng lalaki. Nang mahinto sa isang patay na burol. Ipinako ang lalaki sa punong ito. Walang katumbas ang kasiyahan ng pangatlong puno dahil nalaman niya na naabot na niya ang kalangitan sa lupa dahil ang namatay sa kanyang katawan ay ang anak ng Diyos Ama. Ang hari ng langit at lupa.

Ang gintong aral sa kuwento ay minsan sa ating buhay meron tayong mga bagay na hindi makamit. Ngunit alam niyo ba may plano ang Diyos para sa atin. Kailangan lamang ay magtiwala sa kanya at. ibibigay niya ang nararapat sa iyo.#30#

3 comments:

  1. Oh. I can find English translations of this story in other Blogspot account. How typical this is~~ I thought Filipinos are creative, and yes, they are!

    ReplyDelete
  2. Magandang hapon po! Nabasa ko po ang kuwento na pinamagatang kuwento ng tatlong puno. Nais ko po sanang gamitin sa aklat na isinusulat namin. Mrs. Janet f. Rivera

    ReplyDelete
  3. Mam/Sir, maaari po bang gamitin ko ang kwentong ito. Isa sa napakagandang kwento na nabasa ko. Mabuhay po kayo.

    ReplyDelete