Friday, August 20, 2010

Toronto News





‘Online gambling’ bubuksan sa Ontario , referendum hirit

TORONTO – Magbubukas ng online gambling ang Ontario pagsapit ng taon 2012, ayon kay Finance Minister Dwight Duncan kamakailan.

Pahayag ng opisyal, kapag natuloy ang gambling online, makalilikom nang humigit-kumulang $100 milyon bawat taon ang lalawigan.

Sa palagay ng Ontario Lottery and Gaming Corp., tinatayang aabot sa $1 billion bawat taon ang nagagastos ng mga Canadian sa mga “unregulated gambling site” at nais bigyan ito ng agarang aksyon.
Samantala, dapat munang pigilan ng Ontario ang online gambling websites at magdaos muna ng referendum na isasama sa halalan ng probinsiya sa 2011, ayon kay Ken Lewenza, presidente ng Canadian Auto Workers. #30#

‘Library vending machine’ sa Toronto pinag-iisipan

TORONTO – Naghahanap ang Toronto Public Library ng mga paraan upang makapaglagay ng mga “automated kiosk” na namamahagi ng mga aklat sa pinaka-abalang transit facility sa Canada .

Sa tantiya ni Anne Bailey, direktor ng mga branch library ng TPL, maaaring magkakaroon na ng “kiosk” sa Union Station pagsapit sa taon 2012. Tinatayang aabot sa 200,000 katao ang tumatangkilik sa istasyon araw-araw.

Magiging parang “vending machine” ang itsura ng “kiosk.” Ang mga hihiram ay gagamit ng “touchscreen” upang pumili ng mga libro, CD o DVD.

Pagkatapos, pwede nang “”i-swipe” ang kanilang library cards sa mga bagay na nais nilang hiramin at isasauli sa “kiosk” bago sumapit sa nakatakdang araw ng sulian. #30#

Bagong ‘curriculum’ ipatutupad sa Ontario

ONTARIO – Magkakaroon ng bagong kurikulum sa mga high school ng Ontario sa darating na Oktubre.

Ang ilang sa mga masinsinang tatalakayin sa bagong kurikulum ay bullying, cyber stalking, drug abuse at defibrillators.

Pinaplantsa na ng mga opisyal sa pamahalaan ang mga pagbabago sa health at physical education curriculum sa probinsiya na walang nabago mula taong 1998.

Ayon sa tagapagsalita ni Education Minister Leona Dombrowsky, humigit-kumulang 90 porsiyento ng health at physical education curriculum ang magiging pabor sa mga estudyante. #30#

Bulk-buy drug program napagkasunduan

Kumikilos ang mga premier at territorial leaders sa Canada upang maitatag ang pan-Canadian purchasing alliance at makabili ng maramihang gamot, medical supply at gamit.

Sa tauhan miting ng Council of the Federation sa Winnipeg , sinabi ni Manitoba premier Greg Selinger, dapat ang mga lalawigan ay humanap ng mga paraan upang mapabuti ang “health-care services” sa kanilang sinasakupan.

Hinimok din ng premier na kausapin ang Federal upang alisin ang mandatory long-form census.

Plano rin ng mga ibang probinsiya na maglagay ng mas maraming leverage sa federal upang makakuha ng mas maraming pondo para sa health care. #30#

29 huli, $5.8-M droga nasamsam sa Toronto

TORONTO – Mahigit $5.8-milyong halaga ng mga ipinagbabawal na droga ang nasamsam ng mga pulis at 29 katao ang arestado dahil sa kasong drug trafficking at operation sa Toronto kamakailan.

Ayon sa pulisya, kabilang sa mga nahuli ay painkiller na ketamine na nagkakahalaga nang $5.2 milyon na pinaniniwalaan kumakalat sa mga lansangan ng Greater Toronto Area.

Ang pagkasamsam ng mga droga at pag-aresto sa mga suspek ay resulta ng tatlong-buwang pagsisiyasat na isinagawa ng mga alagad ng batas sa Peel, Toronto at York , kasama na ang Canada Border Service Agency.

Ilang ding baril, mga bala at ilang paris ng nunchuks (tsako) ang nakumpiska sa operasyon. #30#

McGuinty: LHINs mas maraming magagawa

ONTARIO – Mahalaga ang Local Health Integration Networks (LHINs) sa Ontario upang makakuha ng local input sa mga peligrosong desisyon sa health care at dapat paigtingin ang konsultasyon sa mga komunidad, ayon kay Premier Dalton McGuinty.

Itinatag ng pamahalaan ng Liberal ang 14 na ahensiya noong 2007 upang makapagbigay ng $12.5 bilyon health funds bawat taon sa mga ospital, klinika, community care at long-term homes.

Ani McGuinty, kasalukuyan pang binabalangkas ang mga alituntunin upang mas lalong mapabuti ang LHINs. #30#


Nawawalang files ng mga pasyente tinuligsa

ONTARIO – Nagngingitngit sa galit ang hepe ng Ontario’s privacy watchdog matapos lumabas sa mga ulat na ang files ng ilang daang pasyente sa Toronto na nakaimbak sa computer memory stick ay nawawala.

Kamakailan, sumulat ang University Health Network sa 763 pasyente na sumailalim sa operasyon sa isa sa kanilang tatlong ospital sa pagitan ng Enero at Marso nitong taon at sinasabihan na ang kanilang mga medical information ay nanakaw.

Ang ilan sa kanilang files ay kinopya sa isang unencrypted USB key, na nawala sa pitaka sa isang kawani ng ospital noong Hunyo 18 at hindi pa ito nahahanap hanggang sa kasalukuyan.

Hindi naman nakalagay sa files ang OHIP numbers, addresses at ibang mga contact information ng mga pasyente, kasama ang pangalan, admission at discharge dates, at surgical procedures ng mga pasyente. #30#

23-anyos kinasuhan sa pananakit sa GF at aso

ONTARIO – Nahaharap ngayon ang isang 23-anyos na lalaki ng mga kasong assault at animal cruelty matapos umanong saktan ang kanyang kasintahan at alagang aso.

Ayon sa ulat, rumesponde ang pulisya sa Talbot St. sa Bleheim matapos tumawag ng saklolo ang isang babae nang bigla na lamang pinagpapalo ang alagang aso ng lasing na boyfriend sa labas ng kanilang tahanan.

Sinabi ng babae na pinapasok niya ang aso sa loob ng bahay at sinubukan niyang awatin ang boyfriend sa patuloy na pananakit, ngunit siya ang napagbalingan ng galit at pinagsusuntok nang maraming beses sa mukha.

Habang winawasak ng boyfriend ang kanilang ari-arian sa loob ng bahay ng nakatawag sa pulisya ang babaeng biktima. Nasa kulungan ngayon ang lalalki habang hinihintay ang kanyang bail hearing. #30#

Homeless, mga opisyal naghahanda na sa summer

ONTARIO – Naghahanda na ang mga residente sa Tent City upang dumagsa sa mga local pool at takasan ang tag-init na aabot ang tagal sa halos isang buwan.

Ayon sa ulat, naghahanap ng mga naninirahan sa Temporary Homeless Services ng mga malamig na lugar upang maibsan ang mararamdamang init.

Paliwanag ni Brent Schultz, director sa Housing and Neighborhood Revitalization for Ontario , sinimulan na ng pamahalaan na palitan ang mga tolda tuwing tatlong buwan mula nang kunin ang pamamahala sa Tent City .

Dagdag pa ni Schultz, wala siyang nababalitaan mga nagpupuntang paramedics sa Tent City upang rumesponde sa mga insidente na may kinalaman sa klima dahil malala ang panahon sa tuwing tag-araw dito. #30#

Pagbebenta ng GM stakes wala pang pasiya

TORONTO – Wala pang desisyon ang Ottawa kung sakaling maglalagay ng puhunan sa shares ng initial public offering ng General Motor Corps, ayon kay Jim Flaherty, federal finance minister.

Masaya naman si Flahery sa US $1.33-billion second-quarter profit na natanggap galing sa automaker noong Agosto 12

Sa pagtanggi ng GM, napatunayan na tama ang Ottawa sa paglalagak ng bilyones na pera ng mga mamamayan upang iligtas sa bangkarote ang kumpanya noong kasagsagan ng krisis sa ekonomiya sa taong 2008.

Masusi naman pinag-uusapan nina Flahery at opisyales ng GM ang planong maglagay sa initial public offering. #30#

Halaga ng Port Lands arena aabot sa $88M

TORONTO – Ang makabagong complex na tinatampukan ng four rinks na nakasalansan sa taas ng bawat isa sa east waterfront ay magkakahalaga ng $88 million, halos $54 million higit sa orihinal na pondo na inilaan sa proyekto, ayon sa report.

Inirekomenda ng lungsod na ituloy ang pagpapatayo ng isang complex, kahit na inaasahan na mura lang ang pagpapagawa nito.

Sa kasalukuyan, umaabot lang sa $34 million ang pondong inilaan ng Federal sa pagpapatayo ng gusali sa bahagi ng Commissioner St. malapit sa Don Broadway.

Naniniwala ang lungsod na aabot sa $21-$25 milyon ang malilikom mula sa utang na kanilang babayaran sa loob ng 30 taon. #30#

Mixed martial arts OK na sa Ontario

ONTARIO - Nagbago ang pasya ng pamahalaang Ontario na payagan ang pagdadaos ng mga torneyo sa larong “mixed martial arts (MMA)” umpisa sa taon 2011.

Noon, tutol si Premier Dalton McGuinty sa larong MMA dahil walang puwang daw sa probinsya ang bayolenteng “bare-knuckled cage matches” at hindi ito bagay sa mga mamayan ng Ontario.

Ani Sophia Aggelonitis, consumer services minister, ang pinakamagandang paraan upang mapangalagaan ang mga atleta ng MMA ay laanan sila ng ganap na atensyon lalo na tuwing may laro.

Walang babaguhin sa mga batas at regulasyon ng MMA, ang mangangasiwa lang bawat paligsahan ay ang Ontario Athletic Commission na nagbabantay sa mga larong boksing. #30#

Kaso inilatag sa bumagsak na scaffolding sa Xmas eve

ONTARIO – Samut-saring kaso ang isinampa ng Ontario Ministry of Labor sa dalawang kumpanya dahil sa aksidenteng pagkasawi ng apat na migrant workers noong nakaraang taon bisperas ng Pasko.

Natatandaan limang katao ang nalaglag mula sa ika-13 palapag hanggang sa ground floor, habang kinumkumpuni nila ang isang apartment sa Toronto .

Apat sa kanila ang namatay agad at ang isa naman ay himalang nabuhay na nabalian lamang ng dalawang paa at gulugud (spine).

Matapos ang imbestigasyon ng Ministry of Labor, sinampahan ng 61 kaso ang dalawang kumpanyang naupahan upang ayusin ang gusali.

Meron 30 kaso ang Metro Construction Corp.; 16 dito sa kanilang director at 8 sa tagapangasiwa. Kinasuhan rin ng apat ang Swing ‘N’ Scaff Inc., platform supplier, at ang director na tatlong kaso.#30#

Labor deal OK na sa mga Toronto rail workers

TORONTO – Nagkasundo ang Canadian Auto Workers at Toronto Terminals Railway sa pagtataas ng sahod sa loob ng tatlong taon sa mga manggagawa, matapos ang magbanta na magdaos ng isang malawakang welga.

Usapan ng dawalang hanay ay itataas ang sahod ng mga manggagawa sa loob ng tatlong taon kasama ang ilang benepisyo pangkalusugan katulad ng dental at eye care.


Isa rin sa mga napagkasunduan ay ang mabilis na pagkuha ng mga retirement benefits sa mga retiradong manggagawa.

Ayon sa union nararapat lang na napakinggan ang hinaing ng mga manggawa dahil sa matagal na nilang idinudulog ang omento sa sahod. #30#

‘Exchange scam’ sa mga Tsino sinisiyasat

TORONTO – Masusing iniimbestigahan ng mga Toronto pulis ang dalawang insidente nang pangloloko sa pera at binalaan ang mga Tsino na magingat dahil sila ang puntirya ng mga kawatan.

Base sa rekord ng pulisya, sa magkahiwalay na lugar, nanakawan ang dalawang Tsino ng daang-libong dolyar matapos linlangin ng isang lalaki sa pamamagitan ng bogus currency exchange service.

Ang modus operandi ng kriminal ay manginganyo ng mga dayuhang Tsino na magpapalit ng kanilang Chinese yuan sa Canadian dollar sa mas mataas na palit ngunit hindi naman nasusunod sa halip naitatakbo ang pera.

Tugma ang estilo ng panloloko ayon sa unang biktima na 45-anyos na nawalan ng CAN$200,000 at ang pangalawa naman na 33-anyos na $400,000 ang natangay.

Pinaghahanap naman ng mga alagad ng batas ang suspek na nasa higit 40-anyos, 5’7” at 5’9” ang taas, 180 lbs maiksi at itim ang buhok at marunong ng magsalita ng Cantonese at Mandarin. #30#

No comments:

Post a Comment